--Ads--

Provincial Tourism Office, nagpaliwanag sa panalo ng Echague, Isabela bilang Grand champion sa katatapos na Bambanmti Festival 2026

Labis ang galak ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela sa matagumpay na pagdiriwang ng Bambanti Festival 2026, sa kabila ng mga tanong mula sa ilang Isabelino kung bakit ang bayan ng Echague ang itinanghal na overall champion.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joanne Maranan, Provincial Tourism Officer ng Lalawigan ng Isabela, ang pagkapanalo ay batay sa kabuuang puntos na nalikom ng bawat munisipyo sa lahat ng aktibidad, at hindi lamang sa dami ng tropeong napanalunan. Aniya, may mga kompetisyong may mas mabibigat na puntos gaya ng booth competition, streetdance showdown, at parade competition.

Ang point system ay ibabahagi sa lahat ng munisipyo sa pagtatapos ng festival upang maging malinaw at transparent ito.

Dagdag pa ni Maranan, may board of tabulators at hiwalay na committee mula sa accounting committee ng provincial government na namahala sa pagbibilang ng puntos upang masiguro ang pagiging patas at obhetibo ng resulta. Aniya, walang kaalaman ang iba pang committee kung sino ang mananalo at kung ilan ang puntos ng bawat kalahok.

--Ads--

Ang grand champion ay tumanggap ng ₱1.5 milyon na halaga ng proyekto, habang ang second placer ay ₱1 milyon, kasunod ang ₱750,000, ₱500,000, at ₱250,000 para sa iba pang nanalo.

Ikinatuwa rin ni Maranan ang pagtaas ng premyo sa halos lahat ng kompetisyon ngayong taon, pati na ang pagdagsa ng mga bisita mula sa Nueva Vizcaya at Cagayan.

Patuloy pa rin ang kasiyahan sa Bambanti Festival sa pamamagitan ng motocross at drag racing events, gayundin ang dalawang konsiyerto kagabi, Enero 24. Sa Ilagan Sports Complex, nagtanghal sina Regasco Rappers, Coco Martin, at G22, habang sa Queen Isabela Park ay tumugtog naman sina Bamboo at Amiel Sol.