Target ng Pamahalaang Bayan ng Reina Mercedes na gawing ganap na bagsakan center ang kanilang Pamilihang Bayan ngayong taon upang higit na mapalakas ang lokal na kalakalan at matulungan ang mga magsasaka at mangingisda.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Robert Salvador, Agriculturist ng Bayan ng Reina Mercedes, planong paunlarin ang pamilihang bayan upang magsilbing sentrong bagsakan ng mga produkto gaya ng isda at gulay. Aniya, nakikipag-ugnayan na ang mga opisyal ng bayan sa FDI ng Pangasinan para sa regular na suplay ng mga isda na ibabagsak sa bayan.
Dagdag pa ni Salvador, ang mga gulay naman ay magmumula mismo sa Reina Mercedes, partikular sa mga ani ng mga magsasakang nagtatanim sa mga riverside area ng bayan.
Layunin ng proyekto na magkaroon ng direktang ugnayan ang mga producer at mamimili upang mas maging abot-kaya at sariwa ang mga produktong ibinebenta.
Binigyang-diin din ng Agriculturist na ang mga ibabagsak na suplay ay ilalagay sa kasalukuyang itinatayong hybrid modular food storage upang mapanatili ang pagiging sariwa ng mga produkto, lalo na ang mga isda. Ang naturang pasilidad ay inaasahang makatutulong upang mapahaba ang shelf life ng mga pagkain at maiwasan ang pagkasayang ng suplay.
Umaasa ang lokal na pamahalaan na sa oras na maisakatuparan ang planong ito, mas lalakas ang daloy ng kalakalan sa bayan at mas maraming oportunidad ang mabubuksan para sa mga lokal na magsasaka at negosyante.






