Inilahad ni Sandiganbayan Associate Justice Karl Miranda, Chairperson ng Third Division, ang kanyang matagal nang pagkakaibigan sa abogado ni dating senador Ramon “Bong” Revilla na si Ramon Esguerra.
Ayon kay Miranda, nag-ugat ang kanilang pagkakaibigan noong pareho silang naglilingkod sa Department of Justice at kasalukuyan rin silang kapwa lecturer sa Philippine Judicial Academy. Gayunman, ipinagpaliban ang arraignment dahil sa mga nakabinbing mosyon, kabilang ang kahilingan ni Revilla na ibasura ang kaso at magsagawa ng reinvestigation.
Hinahawakan ng Third Division ang kasong malversation of public funds sa pamamagitan ng falsification of public documents laban kay Revilla at anim na dating opisyal ng DPWH kaugnay ng umano’y P92.8-milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan. May hiwalay din silang kasong graft sa Fourth Division ng Sandiganbayan.
Nilinaw ni Justice Miranda na ang pagkakaibigan sa pagitan ng hukom at abogado ay hindi sapat na batayan para sa mandatory inhibition, batay sa Rules of Court at sa 2025 Code of Judicial Conduct and Accountability.
Samantala, matapos ang pitong araw na quarantine, ililipat si Revilla at ang kanyang mga co-accused sa general population ng New Quezon City Jail sa Barangay Payatas.











