--Ads--

Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation na patuloy na magiging available sa mga miyembro nito ang 21 mahahalagang gamot na saklaw ng Yaman ng Kalusugan Program o YAKAP ngayong 2026, ayon sa inilabas na PhilHealth Advisory No. 2026-0007 na nilagdaan noong Enero 14.

Ayon sa PhilHealth, mananatiling maaaring makuha ng mga miyembro ang mga nasabing gamot sa kanilang napiling YAKAP-accredited clinic habang patuloy pang pinahuhusay ng ahensya ang mga benepisyo sa ilalim ng YAKAP at ng Guaranteed and Accessible Medications for Outpatient Treatment Program o GAMOT.

Ang YAKAP ay isang pinalakas na primary care benefit package na sumasaklaw sa konsultasyon, mga kinakailangang laboratory test, cancer screening, at mga iniresetang mahahalagang gamot. Samantala, ang GAMOT ay programa ng PhilHealth na naglalayong tiyakin ang garantisado at abot-kayang gamot para sa outpatient treatment ng mga miyembro.

Kabilang sa 21 mahahalagang gamot na saklaw ng YAKAP ang Amoxicillin, Co-amoxiclav, Cotrimoxazole, Nitrofurantoin, Ciprofloxacin, Clarithromycin, Oral Rehydration Salts o ORS, Prednisone, Salbutamol, Fluticasone na may Salmeterol, Paracetamol, Gliclazide, Metformin, Simvastatin, Enalapril, Metoprolol, Amlodipine, Hydrochlorothiazide, Losartan, Aspirin, at Chlorphenamine.

--Ads--

Patuloy na maa-access ng mga miyembro ang mga gamot na ito sa mga YAKAP clinic kung saan sila rehistrado. Kasabay nito, pinaalalahanan ng PhilHealth ang mga partner YAKAP provider na tiyakin ang sapat na suplay ng mga gamot at panatilihin ang itinakdang pamantayan ng serbisyo sa ilalim ng programa.

Binigyang-diin din ng ahensya ang patuloy na pakikipag-ugnayan nito sa mga YAKAP provider upang mapabuti pa ang paghahatid ng serbisyong pangkalusugan at mapanatili ang kapanatagan ng mga Pilipinong umaasa sa mga benepisyo ng PhilHealth.