Mas pinaiigting ng Land Transportation Office (LTO) Cauayan City ang pagbibigay ng Free Theoretical Driving Course (TDC) kasabay ng Mobile Licensing at Mobile Registration bilang tulong sa mga aplikante ng student permit at driver’s license na kadalasang nagbabayad ng humigit-kumulang dalawang libong piso sa mga pribadong driving school.
Sa pakikipagpanayam ng Bombo News Team sa hanay ng LTO Cauayan City, layunin ng programa na mailapit sa publiko ang kaalaman hinggil sa tamang pagmamaneho, batas-trapiko at road safety, lalo na sa mga hindi kayang mag-enrol sa mahal na driving courses. Sa pamamagitan ng libreng TDC, mabibigyan ng pagkakataon ang mas maraming residente na makapaghanda sa pagkuha ng kanilang lisensya nang walang gastusin.
Inihayag ng tanggapan na plano nilang isagawa ang libreng Theoretical Driving Course dalawang beses kada buwan sa iba’t ibang bayan at barangay sa sakop ng kanilang hurisdiksyon upang mas marami ang maabot na benepisyaryo.
Ngayong Enero, matagumpay na naisagawa ang unang batch ng libreng TDC sa Barangay Nagrumbuan, Cauayan City kung saan dumalo ang mga aplikanteng nagnanais kumuha ng student permit at non-professional driver’s license.
Para naman sa buwan ng Pebrero, nakatakdang isagawa ang susunod na libreng Theoretical Driving Course sa Barangay La Paz, Cabatuan sa darating na Pebrero bente at bente uno.
Dito ay tatalakayin ng LTO ang mga pangunahing kaalaman sa batas-trapiko, road signs, tamang pagmamaneho, at responsibilidad ng isang driver upang maiwasan ang aksidente sa kalsada.
Inaasahang magsisimula bukas, Enero 27 ang online registration para sa mga interesadong lumahok sa programa. Maaaring magparehistro ang mga aplikante sa pamamagitan ng opisyal na Facebook page ng LTO Cauayan City thru QR code kung saan makikita doon ang iba pang mga detalye at requirements ng mga gustong mag-apply.
Hinihikayat ng LTO Cauayan City ang publiko na samantalahin ang libreng Theoretical Driving Course bilang paghahanda sa pagkuha ng lisensya at bilang bahagi ng kampanya ng ahensya sa mas ligtas at disiplinadong pagmamaneho sa mga lansangan.











