Nasuri na ng mga awtoridad ang 14 na lokasyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa sa patuloy na ginagawang manhunt operation laban sa puganteng businessman na si Charlie “Atong” Ang.
Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group–NCR na nakatanggap na sila ng humigit-kumulang 40 impormasyong may kinalaman sa kinaroroonan ni Ang, kabilang ang mga ulat ng kanyang umano’y paggalaw bago mailabas ang warrant of arrest.
Kabilang sa mga sinuyod na lugar ang Calabarzon, Central Luzon, Bicol Region, at Metro Manila, habang may ilan pang lokasyon sa Maynila na bineberipika pa.
Si Ang, na itinuturing na armado at mapanganib ng mga awtoridad, ang tanging hindi pa naaaresto sa 22 indibidwal na may warrant kaugnay ng mga missing sabungero.
Tinitingnan din ng mga awtoridad ang posibilidad na nasa ibang bansa na ang pugante, gaya ng Cambodia o Thailand, ngunit patuloy pa rin ang paghahanap dito sa loob ng Pilipinas.
Ayon sa pulisya, mahirap ang pagdakip kay Ang dahil sa lawak ng kanyang impluwensya at resources, ngunit iginiit nilang tuloy-tuloy ang operasyon upang makamit ang hustisya para sa mga nawawalang sabungero at kanilang pamilya.









