--Ads--

Nasanay na umano sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong gasolina ang ilang namamasadang tricycle driver sa Lungsod ng Cauayan.

‎Ayon kay Marcelino Mico, isang tricycle driver, matagal na nilang nararanasan ang sunod-sunod na taas-presyo ng gasolina kaya’t tila tinatanggap na lamang ito bilang bahagi ng kanilang pang-araw-araw na pamamasada.

‎Aniya, matapos ang mahigit isang pisong pagtaas ng presyo ng gasolina noong nakaraang linggo, sinundan pa ito ng panibagong dagdag-presyo na nasa apatnapung sentimo ngayong linggo.

‎Dagdag pa ni Mico, hindi umano balanse ang pagtaas at pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo, lalo na sa gasolina kung ikukumpara sa diesel. Napapansin din nilang bihira lamang magkaroon ng rollback sa gasolina kaya’t patuloy ang pagbigat ng kanilang gastusin.

--Ads--

‎Kaugnay nito, muling tumaas ang presyo ng petrolyo sa bansa, ayon sa abiso ng ilang kumpanya ng langis.  Sa ngayon, tumaas ng ₱1.40 kada litro ang diesel, ₱0.40 ang gasolina, at ₱0.80 naman ang kerosene.

‎Ikatlong sunod na linggo na ng pagtaas ng presyo ng gasolina habang patuloy naman ang sunod-sunod na pagtaas ng diesel at kerosene, na lalo pang nagdadagdag ng pasanin sa mga motorista at posibleng makaapekto sa pamasahe ng pampublikong transportasyon.

‎Para sa mga tricycle driver tulad ni Marcelino Mico, wala na umanong magawa kundi ang magtipid at humanap ng paraan upang mabawi ang malaking gastos sa gasolina habang patuloy ang pagtaas ng presyo nito.