--Ads--

Nagkakaisa ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) at China na ituloy ang mga negosasyon para sa matagal nang naantalang Code of Conduct (COC) para sa West Philippine Sea, kung saan ipinapakita ng mga lider ng rehiyon ang muling pagsisikap na paabutin ang usapin sa ilalim ng pamumuno ng Pilipinas bilang ASEAN chair.

Ayon kay ASEAN spokesperson Dominic Xavier Imperial, bagamat hindi pa tiyak ang magiging resulta ng mga darating na pagpupulong, nananatiling committed ang lahat ng partido na isulong ang negosasyon matapos ang mahabang pagkaantala. Binanggit niya na lahat ng ASEAN member states at China ay nagkakaisa sa layuning makamit ang kasunduan sa COC, at inaasahang makamit ang konklusyon ng negosasyon ngayong 2026.

Aniya, unti-unti ang  progreso sa usapin, kahit na hindi inaasahan ang breakthrough sa isang pagpupulong lamang. Mahalaga umano ang bawat pagpupulong upang muling suriin at ituloy ang mga naunang kasunduan.

Layunin ng COC na magtakda ng mga patakaran para pamahalaan ang magkakasalungat na pag-angkin sa nasabing karagatan, isa sa pangunahing ruta ng barko sa buong mundo at sentro ng tensyon sa pagitan ng China at mga bansang kaalyado ng US sa Timog-silangang Asya.

--Ads--

Bilang ASEAN chair, hinihikayat ng Pilipinas ang mas madalas na pagpupulong upang mapanatili ang momentum ng negosasyon. Ayon kay Imperial, nakikita ang tuloy-tuloy na progreso, na nagbibigay ng pag-asa na maaabot ang layunin sa lalong madaling panahon.