Ipinaliwanag ng Isabela Provincial Treasurer’s Office ang kahulugan at benepisyo ng Tax Amnesty, isang programa ng gobyerno na nagbibigay ng pagkakataon sa mga taxpayer na ayusin ang kanilang hindi nabayarang buwis nang may mas magaan na parusa o minsan ay walang multa at interes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Provincial Treasurer Ma. Theresa Araneta Flores, sinabi niya na layunin ng programang ito na tulungan ang mga taxpayer na maayos ang kanilang obligasyon, habang sabay na pinapalakas ang koleksyon ng buwis ng lalawigan.
Sa Isabela, inilunsad ang programang ito sa pamamagitan ng Ordinance No. 2025-07-001, Series of 2025 na nagbibigay ng amnesty o tawad sa buwis para sa mga hindi nabayarang real property tax, kabilang ang buwis sa lupa at ari-arian. Layunin ng ordinasa na hikayatin ang mga taxpayer na magbayad at mabawasan ang mga nakabinbing obligasyon, na nakikinabang parehong sa gobyerno at sa mamamayan.
Para makapag-avail ng amnesty, kailangan munang tukuyin ang ari-arian na sakop ng programa at ang kaukulang Tax Declaration Number. Dapat ding ihanda ang mga lumang tax receipts, assessment notices, o billing statements upang malaman ang kabuuang utang. Kailangan ding punan ang application form na makukuha sa Provincial Treasurer’s Office at bayaran ang principal tax. Sa ilalim ng amnesty, ang interest at surcharge ay pinapatawad, kaya mas mababa ang kabuuang babayaran.
Mahalaga rin ang valid government-issued ID at, kung may ipapadalang kinatawan, ang pagkakaroon ng Special Power of Attorney (SPA). Pinapayuhan ng tanggapan na direktang pumunta sa Provincial Treasurer’s Office upang masiguro ang tamang proseso at makuh ang eksaktong form at bayarin.
May ilang taxpayer o ari-arian na hindi puwedeng mag-avail ng amnesty. Kabilang dito ang mga ari-arian na kasalukuyang nasa foreclosure o auction, pati na rin ang mga taxpayer na may kasalukuyang kaso sa korte kaugnay ng buwis, maliban kung may espesyal na pahintulot. Hindi rin sakop ang ilang national government properties o exempted lands. Sa madaling salita, ang amnesty ay para lamang sa mga ari-arian at taxpayer na walang legal issues at sakop ng ordinansa.
Nananawagan ang Provincial Treasurer’s Office sa lahat ng may-ari ng lupa at ari-arian sa lalawigan na samantalahin ang Tax Amnesty Program bago ang Hulyo 4, 2026. Ayon sa tanggapan, huwag palampasin ang pagkakataong ito upang malinis ang record ng ari-arian at makaiwas sa mas malaking penalties sa hinaharap.





