--Ads--

Lumalabas na nasa Sweden si dating Ako Bicol Partylist Rep. Elizaldy “Zaldy” Co, batay sa apostille na nakapaloob sa petisyon na inihain ng kaniyang kampo sa Korte Suprema.

Humiling si Co sa Korte Suprema ng Temporary Restraining Order (TRO) upang pigilan ang Office of the Ombudsman sa pagpapatupad ng resolusyon na nagsasampa ng kaso laban sa kanya.

Ang Notarial Certification na pirmado ni Notary Public Beatrice Gustafsson ay nagpapatunay na personal na humarap si Co sa Notary Public sa Stockholm, Sweden noong Enero 15.

Ang impormasyong ito ukol sa kinaroroonan ni Co noong Enero 15 ay taliwas sa pahayag ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla noong Enero 22 na namataan umano si Co na naninirahan sa isang eksklusibong lugar sa Lisbon, Portugal.

--Ads--

Nahaharap si Co sa mga kasong malversation at graft na isinampa ng Office of the Ombudsman noong Nobyembre, kaugnay ng isang ₱289-milyong flood control project sa Naujan, Oriental Mindoro.

Kinumpirma ng abogado ni Co na si Atty. Ruy Rondain ang paghahain ng petisyon sa Korte Suprema, ngunit hindi pa ito tumutugon sa mga tanong hinggil sa kasalukuyang kinaroroonan ng dating mambabatas.