Hinatulang makulong ng 20 buwan si dating South Korean First Lady Kim Keon Hee dahil sa korapsyon.
Ayon sa Seoul Central District Court, napatunayang tumanggap si Kim ng mga mamahaling regalo at suhol mula sa mga Politiko, at lider ng Unification Church kapalit ng ilang mga “political favor.”
Bukod sa pagkakakulong, inutusan din ang dating first lady na magbayad ng multa na 12.8 milyon won, at pagkumpiska sa diamond necklace na isinuhol sa kaniya.
Pinawalang-sala naman siya sa kasong stock manipulation, at iba pang mga kaso na may kaugnayan sa political funding law violations.
Samantala, ang asawa nitong si Former South Korean President Yoon Suk Yeol, ay nahaharap sa kasong rebelyon na maaaring magdulot ng habambuhay na pagkakakulong matapos magdeklara ng martial law noong Disyembre 2024 na nauwi sa kanyang impeachment.
Noong nakaraang buwan, nahatulan si Yoon ng limang taong pagkakakulong dahil sa paggamit ng presidential security service upang hadlangan ang awtoridad na ipatupad ang kanyang arrest warrant.
Ang korte ay magbibigay ng hatol sa kanyang kaso sa susunod na buwan.







