Nakapagtala na ng dalawang Guinness World Records sa paglalaro ng pool at snooker bago pa man mag-tatlong taong gulang ang isang toddler na pool prodigy sa England.
Nabasag ni Jude Owens ang rekord bilang pinakabatang indibidwal na nakagawa ng snooker double pot sa edad na 2 taon at 261 araw. Ang double pot sa snooker ay nangyayari kapag dalawang bola ang legal na naipasok sa magkaibang butas gamit ang iisang palo ng cue ball.
Hindi nagtagal, muli niyang nabasag ang isa pang rekord bilang pinakabatang taong nakagawa ng pool bank shot sa edad na 2 taon at 302 araw. Ang bank shot sa pool ay kapag ang cue ball ay pinukol upang patamain ang object ball na dadaan muna sa isa o higit pang rail bago ito pumasok sa butas.
Ayon sa ama ng bata na si Luke Owens, nakita na niya ang potensiyal ni Jude sa sport mula pa noong unang beses itong humawak ng cue.
Marami na umanong naabot ang bata sa maikling panahon, at ang pagkakaroon ng dalawang world record ay maituturing na isang napakalaking tagumpay. Bilang isang ama, umaasa siyang magiging matagumpay si Jude sa buhay at posibleng maging world champion balang araw.





