--Ads--

Nakasamsam ang Police Regional Office Cordillera Administrative Region (PRO CAR) ng mahigit P9.2 milyon halaga ng ilegal na droga sa magkahiwalay na operasyon sa mga lalawigan ng Benguet at Kalinga noong Enero 27, 2026.

Sa Benguet, natuklasan ng mga operatiba ng Benguet Police Provincial Office ang 18 plantasyon ng marijuana sa isinagawang marijuana eradication operation sa mga liblib na lugar ng lalawigan. Ayon sa pulisya, umabot sa tinatayang 42,370 fully grown marijuana plants, 2,400 marijuana seedlings, at 5.28 kilo ng tuyong marijuana stalks na may fruiting tops ang kanilang nakumpiska, na may kabuuang standard drug price na P9,203,600.00.

Agad na binunot at sinunog ng mga awtoridad ang mga ipinagbabawal na tanim matapos itong maidokumento. Kumuha rin ng mga sample na isinailalim sa pagsusuri ng Regional Forensic Unit CAR. Wala namang naaresto sa naturang operasyon.

Ang eradication activity ay isinagawa sa koordinasyon ng mga yunit mula sa Benguet PPO, Regional Mobile Force Battalion 15, Special Operations Group-CAR, Regional Intelligence Division ng PRO CAR, Regional Intelligence Unit 14, at Philippine Drug Enforcement Agency-CAR, katuwang ang ilang municipal police stations at provincial mobile force companies.

--Ads--

Samantala, sa lalawigan ng Kalinga, isang street-level individual ang naaresto matapos ipatupad ng Kalinga Police Provincial Office ang isang search warrant sa lungsod ng Tabuk. Nakumpiska mula sa suspek ang pitong plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na dalawang gramo at tinatayang halaga na P13,600.00, tatlong sachet na may residue ng hinihinalang shabu, at iba pang drug paraphernalia.

Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensiya sa mismong lugar ng operasyon sa presensya ng suspek at mga kinatawan ng Department of Justice, media, at lokal na pamahalaan, alinsunod sa itinakdang proseso.

Matapos basahan ng kanyang mga karapatan, dinala ang naarestong indibidwal at ang mga ebidensiya sa himpilan ng pulisya para sa dokumentasyon at paghahain ng kaukulang kaso.