Hiniling ni Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia sa House Committee on Suffrage and Electoral Reforms na gawing malinaw at madaling ipatupad ang planong Anti-Political Dynasty Law.
Ayon kay Garcia, dapat ay maikli, malawak ang saklaw, at tiyak ang panukala upang hindi kailanganing magkaroon ng pagpapakahulugan ang Comelec sa batas.
Ipinaliwanag niya na ang pagbibigay ng ganitong kaluwagan sa interpretasyon ay maaaring magdulot ng problema at maaring dalhin sa Korte Suprema. Habang maaaring hindi kuwestyunin ang mismong batas, maaari namang kuwestyunin ang implementing rules and regulations ng Comelec.
Binigyang-diin ni Garcia na hangga’t maaari, hindi dapat iwan sa Comelec ang pagpapakahulugan sa layunin ng batas laban sa political dynasties.
Sa ngayon, may 21 panukala na inihain na naglalayong magkaroon ng enabling law upang maipatupad ang probisyon ng 1987 Constitution na nagbabawal sa political dynasties.











