Pinakilos na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang pwersa upang tumulong sa militar sa pagsasagawa ng manhunt laban sa mga umatake sa dalawang sundalo sa Tipo-tipo, Basilan.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., inatasan na rin niya ang Police Regional Office–Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) na magsagawa ng mga kinakailangang hakbang sa seguridad upang maiwasan ang mga insidente ng pamamaril at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lugar.
Nabatid na dalawang sundalo ang nabaril ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang bumibili sa tindahan malapit sa kanilang kampo sa bayan ng Tipo-tipo noong Lunes.
Ang mga biktima ay miyembro ng 45th Infantry Battalion (45IB) ng Philippine Army.
Tiniyak ng PNP na nananatiling nasa heightened alert ang pulisya kasama ang militar upang maiwasan ang karagdagang pag-atake at agarang makaresponde sa anumang banta.











