--Ads--

Lumitaw ang karagdagang panganib sa paghahanap sa mga nawawalang pasahero ng lumubog na M/V Trisha Kerstin sa tubig malapit sa Basilan dahil sa mga ulat ng taning ng pating, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).

Dumating noong Miyerkules sa Zamboanga City ang 19 technical divers ng PCG dala ang espesyal na kagamitan, kabilang ang remotely operated vehicle (ROV) na kayang umabot sa 76-metrong lalim malapit sa Balok-Balok Island. Bagamat may mga pating na nakita, sinabi ng PCG na hindi naman sagana sa pating ang lugar, ngunit nananatiling mahalaga ang pagiging maingat.

Pinalawak na rin ang search area at nakipag-ugnayan ang PCG sa mga coastal community at barangay upang makatulong sa paghahanap sa mga posibleng nakaligtas. Kasabay nito, dumating mula Manila ang PCG investigating team upang alamin ang sanhi ng paglubog, habang naka-standby ang Philippine Navy para sa suporta sa search and rescue operations.

Sa kasalukuyan, may 316 na nakaligtas, 18 na narekober na mga bangkay, at 10 ang nawawala, kabilang ang kapitan ng barko at isang PCG personnel. Ayon sa mga pamilya sa Zamboanga City, may ilang pasahero pa ring hindi matukoy ang kinaroroonan, kabilang ang anim na school administrators mula sa Department of Education sa Sulu.

--Ads--

Dahil sa grounding ng fleet ng Allison Shipping Lines, naapektuhan ang biyahe patungong Sulu at karatig na lugar. Maraming stranded na pasahero sa Isabela City ang napipilitang gumamit ng maliliit na motorized boat o jungkong, na kadalasan ay walang maayos na life vest, at iniulat na sobra ang singil sa pamasahe. Pinayuhan ng MARINA ang mga operator na hindi puwedeng basta-basta taasan ang pamasahe at magbibigay ng espesyal na permit sa ibang shipping lines. Naghihintay din ang PCG ng aprubal mula sa MARINA upang makapagbigay ng libreng transportasyon.

Inaasahang sisimulan ng mga technical divers ang underwater search operations sa Huwebes, depende sa resulta ng ROV.