Walang planong magpatupad ng malawakang pagbabago sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng promosyon ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. bilang four-star general at opisyal na punong hepe ng kapulisan.
Ayon kay Nartatez, layunin niyang panatilihin ang katatagan sa loob ng organisasyon, bagama’t binigyang-diin niya na ang mga pagbabago sa pamumuno ay normal at bahagi ng takbo ng serbisyo sa pulisya.
Dagdag pa niya, mananatili ang umiiral na mga direktiba laban sa kriminalidad at para sa kaligtasan ng komunidad. Ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. na panatilihin ang kapayapaan at kaayusan, bawasan ang kriminalidad, at palakasin ang propesyonalismo at disiplina sa loob ng PNP.
Hinimok ni Nartatez ang mga matataas na opisyal at kawani ng pulisya na manatiling nakatuon sa kanilang mga tungkulin, kasabay ng pagbibigay-diin na ang disiplina, propesyonalismo, at paglilingkod sa mamamayan ang pangunahing prayoridad ng kapulisan.
Matatandaang nanumpa sa kanyang tungkulin si Nartatez kahapon sa harap ng Pangulo sa Malacañang.











