Paliit na umano nang paliit ang mundo ng negosyanteng si Atong Ang, na may warrant of arrest kaugnay ng kaso ng mga nawawalang sabungero, ayon kay Department of the Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla.
May ipinadalang liaison officer sa Cambodia upang makipag-ugnayan sa mga awtoridad at matunton si Ang. Aabot na rin sa 18 lugar sa bansa ang nasuyod ng mga awtoridad, ngunit wala pa ring positibong resulta.
Ayon kay DILG Sec. Remulla, patuloy na lumiliit ang mga lugar na maaaring pagtaguan ni Ang. Kung siya ay nasa Cambodia, may posibilidad na ma-extradite siya at madadala sa Pilipinas. Maaari ring makatulong ang chairmanship ng Pilipinas sa ASEAN Summit ngayong taon sa koordinasyon sa mga naturang bansa.
Ipinahayag din ng kalihim na bagama’t may malaking yaman si Ang, hindi imposible ang pagtunton at pag-aresto sa kanya. Binanggit niya ang kaso ni dating Congressman Arnolfo Teves Jr., na nakuha sa Timor Leste noong Mayo 2025 kaugnay ng pagpatay kay Negros Oriental Gov. Noel Degamo, bilang halimbawa na posible ang pagtunton kahit may malaking pera ang nasasakdal.
Una nang sinabi ni DILG Sec. Remulla na pinaniniwalaang nasa Cambodia o Thailand si Ang, batay sa impormasyon ni Dondon Patidongan, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa siya namamataan.









