--Ads--

Pormal nang binuksan ang Regional School Press Conference (RSPC) ng Rehiyon 2 sa pamamagitan ng isang opening parade na ginanap sa bayan ng Tumauini, Isabela ngayong Huwebes, Enero 29.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Benjamin Paragas, Regional Director ng Department of Education (DepEd) Region 2, sinabi niya na nagsimula nang magsidating kahapon ang mga delegado at kalahok mula sa siyam na Schools Division Offices (SDO) ng rehiyon.

Kabilang sa mga lumahok ang delegasyon mula sa lalawigan ng Batanes, SDO Cagayan, SDO Cauayan City, SDO Ilagan City, SDO Nueva Vizcaya, SDO Quirino Province, SDO Santiago City, SDO Tuguegarao City, at ang delegasyon ng lalawigan ng Isabela.

Ayon kay Dr. Paragas, nagsimula bandang alas-sais ng umaga ang opening parade na umikot sa paligid ng Municipality of Tumauini. Tinatayang mahigit 3,200 na mga kalahok mula sa Rehiyon Dos ang dumalo, kabilang na ang kanilang mga school advisers.

--Ads--

Ang Regional School Press Conference ay tatagal ng tatlong araw, na nagsimula kahapon at magtatapos bukas.

Binigyang-diin ni Dr. Paragas ang kahalagahan ng press conference dahil hindi lamang umano nito nahuhubog ang kakayahan sa komunikasyon ng mga mag-aaral, kundi tinuturuan din silang ipahayag ang kanilang pananaw, opinyon, at damdamin.

Dagdag pa niya, nagsisilbi rin itong daan upang maging aktibo at makabuluhang kalahok ang mga kabataan sa mga gawain ng kanilang pamayanan sa hinaharap.

Samantala, pinaigting naman ang seguridad ng mga kalahok sa tulong ng Philippine National Police upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan sa buong aktibidad.

Binanggit din ng Regional Director na layunin ng DepEd na mapataas ang performance level ng mga mag-aaral. Aniya, mahalaga ring makakuha ng mga certification ang mga graduates upang kung hindi man sila makapagpatuloy sa kolehiyo, ay mayroon silang sapat na kakayahan upang makapagtrabaho sa loob ng bansa. Tiniyak rin niya ang patuloy na pagpapaunlad ng mga learning materials sa bawat paaralan sa rehiyon.