--Ads--

Naputulan ng daliri ang isang barangay tanod habang sugatan ang isang binatilyo sa salpukan ng isang motorsiklo at isang tricycle sa kahabaan ng National Highway sa Brgy. Minante Dos, Cauayan City, Isabela pasado alas-7:30 ng gabi nitong Enero 29, 2026.

Kinilala ang mga sangkot bilang sina Jorge Rafael, 19-anyos, residente ng Brgy. District 1, Cauayan City, at si Jaime Rivera, 66-anyos, barangay tanod at residente ng Brgy. Minante Dos, Cauayan City.

Sa paunang panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Jorge na papunta sana siya sa practice ng isang pageant na kanyang sinalihan nang mangyari ang aksidente. Samantalang ayon naman kay Jaime, papasok sana siya sa barangay hall para mag-duty bilang barangay tanod.

Kwento ni Jaime, naka-signal light na umano ang kanyang tricycle at papasok na sana siya sa barangay hall nang mapansin niya ang paparating na motorsiklo ni Jorge. Dahil umano sa bilis ng takbo ng motorsiklo, hindi na naiwasan ang banggaan. Iginiit naman ni Jorge na nasa humigit-kumulang 60 kilometers per hour lamang ang kanyang takbo.

Dahil sa banggaan, sumemplang si Jorge at nagtamo ng galos sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Samantala, naputol ang dalawang daliri ni Jaime.

Makalipas ang ilang minuto, agad ding dumating ang rescue team sa lugar upang bigyan sila ng paunang lunas.

Sa ngayon, wala pang opisyal na pahayag ang PNP Cauayan tungkol sa insidente. Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang tunay na sanhi ng aksidente at ang pananagutan ng mga sangkot.