Para sa Makabayan Bloc, mistulang binago ng Kataas-taasang Hukuman ang mga patakaran sa impeachment upang maging pabor sa mga opisyal na maaaring ma-impeach, gaya ng pangulo at bise presidente.
Ito ang naging reaksiyon nina Representatives Antonio Tinio, Sarah Jane Elago, at Renee Louise Co matapos pagtibayin ng Supreme Court (SC) ang nauna nitong deklarasyon na unconstitutional ang articles of impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon sa Makabayan Bloc, dahil sa nasabing desisyon ng SC, lalo pang pinahirap ang proseso ng impeachment sa hinaharap, partikular ang pagkuha ng boto ng hindi bababa sa isang-katlo ng mga miyembro ng Kongreso upang maisulong ang isang impeachment complaint.
Sa kabila nito, iginiit nina Representatives Tinio, Elago, at Co na nananatiling balido ang mga batayan ng impeachment laban kay VP Sara, kabilang ang culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na krimen.
Dagdag pa nila, handa ang Makabayan Bloc na muling maghain ng impeachment complaint laban kay VP Duterte alang-alang sa kapakanan ng mamamayang Pilipino.











