Ilang miyembro ng anti-mining group ang nangangailangan umano ng psychological intervention, ayon sa lider ng Anti-Mining Group.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Florentino Daynos, lider ng Anti-Mining Group, hindi umano makatulog ang ilang mga miyembro dahil naririnig nila ang drones, ang ingay sa paligid lalong-lalo na ang sigawan, at kahit ipikit nila ang kanilang mga mata ay nakikita nila ang mga pangyayari noong dispersal operations sa Sitio Keon, Brgy. Bitnong, Dupax del Norte.
Aniya, hindi man niya propesyon ang sikolohiya, alam niyang malalim ang trauma na naibigay sa kanila.
Paliwanag niya, kinakailangan ito upang manumbalik sa kani-kanilang normal na kalagayan dahil ito ay may kinalaman sa kanilang mental disposition na nangangailangan ng professional intervention.
Plano ni Daynos na sa darating na linggo ay sisimulan nang i-assess ang mga miyembrong nangangailangan ng agarang tulong. Aniya, magiging mahigpit sila sa pagsasagawa ng psychological intervention upang mapangalagaan ang confidentiality ng mga mapag-uusapan.
Dagdag niya, uunahin ang mga miyembrong nasa frontline na nakaranas ng harassment, tulad ng mga miyembrong naikulong, nakipag-sigawan, at nasa unahan ng barikada.
Paglilinaw niya, hindi lamang ito sanhi ng dispersal operations kundi pati ang naunang pag sugod ng tauhan ng Woogle Corporation na may dalang pamalo at mga itak noong nagdaang mga rally.









