--Ads--

Bumaba ang supply ng mga dugo sa bloodbank ng Philippine Red Cross Isabela Chapter sa unang buwan ng taong 2026.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Joyce Kristine Mye Blas, Chapter Service Representative Blood Services ng PRC Isabela, tinatawag na “lean months” ang buwan ng Disyembre at Enero na kung saan mababa ang supply ng dugo, at umaabot na lamang sa humigi’t-kumulang sampung bags ang available kada araw. Aniya, ang target ng kanilang tanggapan sa araw-araw ay magkaroon ng 30 hanggang 50 units ng dugo ang nakaabang sa kanilang bloodbank.

Bilang tugon sa naturang problema, makalipas ang tatlong buwan, tinatawagan ng PRC Isabela ang dating mga donors upang mag-donate ulit, at sinasabihan silang magdala ng isa pang donor.

Sa bawat pasyente, kaya lamang makapag-bigay ng PRC Isabela ng isa hanggang dalawang bags ng dugo, samantalang sa mas nangangailangan, umaabot hanggang 5 hanggang 6 na bags. Sa bawat isang bag ng dugo ay isang donor ang katumbas nito.

--Ads--

Lahat ng bloodbanks ay nangangailangan ng dagdag na supply ng dugo. Aniya, maraming pasyente ang nai-re-refer sa ibang tanggapan, at karamihan dito ay kulang din sa supply. Kung kaya’t ni-re-require ang mga pasyente na magkaroon ng blood donors na dadaan sa screening.

Paglilinaw ni Blas, hindi nagsu-supply ang PRC Isabela ng platelet concentrates, tanging ang blood centers lamang tulad ng Cagayan Valley Medical Center (CVMC) sa Tuguegarao City, Southern Isabela Medical Center (SIMC) sa Santiago City, at PRC Nueva Vizcaya sa Bayombong.

Nananawagan ang PRC Isabela na makilahok ang publiko sa mga bloodletting activities ng kanilang tanggapan.