Nagpahayag ng matinding pag-aalala ang mga kasaping bansa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) kaugnay ng patuloy na land reclamation at mga seryosong insidente sa South China Sea, kabilang na ang West Philippine Sea, sa isinagawang Foreign Ministers’ Retreat sa Cebu.
Batay sa pahayag ng ASEAN chair, binigyang-diin ng mga bansa ang kahalagahan ng self-restraint o pagpipigil sa mga aktibidad na maaaring magpalala ng tensyon at makasama sa kapayapaan at seguridad ng rehiyon.
Dagdag pa rito, muling iginiit ng ASEAN ang pangangailangan ng mas mataas na tiwala at kooperasyon, at ang pag-iwas sa mga hakbang na magpapalala sa mga umiiral na sigalot.
Binigyang-diin din ng grupo ang kahalagahan ng mapayapang pagresolba ng mga alitan batay sa pandaigdigang batas, partikular ang 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at ang pagpapatupad ng 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea (DOC).
Bilang kasalukuyang chair ng ASEAN, sinabi ng Pilipinas na sisikapin nitong tapusin ngayong taon ang negosasyon para sa isang epektibo at makabuluhang Code of Conduct (COC) sa West Philippine Sea.
Samantala, matagal nang nagbabala ang Philippine Coast Guard hinggil sa mga reclamation activities ng China sa ilang bahagi ng West Philippine Sea, kabilang ang Pag-asa Cays at Escoda Shoal. Noong 2022, iniulat ng Bloomberg na may mga bagong land formations na lumitaw sa Spratly Islands batay sa satellite images mula sa US officials.
Bukod sa usapin sa West Philippine Sea, tinalakay din ng mga diplomat ang iba pang pandaigdigang hamon tulad ng tumitinding geopolitical competition, lumalalang kawalan ng katiyakan sa ekonomiya, at paghina ng multilateral systems at rules-based order.
Binanggit din ang mga transnational challenges gaya ng climate change, maling paggamit ng mga bagong teknolohiya kabilang ang artificial intelligence, at iba pang kumplikadong banta sa seguridad na hindi kayang tugunan ng isang bansa lamang.
Sa pagbubukas ng retreat, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro na ang mga hamon na kinakaharap ng ASEAN ay hindi lamang dumami kundi mas naging masalimuot pa.











