Nagkaloob ng pinansyal na tulong ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga biktima ng bagyong ‘Uwan’ sa Nueva Vizcaya bilang bahagi ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pabilisin ang rehabilitasyon sa mga lalawigan na matinding tinamaan ng bagyo.
Kahapon, Enero 29, isinagawa ng DSWD ang pamamahagi ng tulong sa pamamagitan ng kanilang Emergency Cash Transfer Program.
Benepisyaryo rito ang 567 na biktima ng bagyo na bahagyang nasira ang kanilang mga tahanan at 68 na residente na tuluyang nasira ang kanilang mga bahay noong nakaraang Nobyembre dahil sa Super Typhoon ‘Uwan’.
Ang 567 na bahagyang apektadong biktima ay tumanggap ng tig-P5,250 bawat isa, samantalang ang 68 na tuluyang nasirang bahay ay nakatanggap ng tig-P10,125 bawat isa.
Ang pamamahagi ng pinansyal na tulong ay bahagi ng mga hakbang ng pambansang pamahalaan upang matulungan ang mga nasalanta at pabilisin ang programa ng rehabilitasyon at pagbawi sa mga lalawigan sa Cagayan Valley na matinding tinamaan ng bagyo.











