Umani ng sari-saring reaksyon mula sa publiko ang patuloy na pagpapatupad ng Public Order and Safety Division (POSD) sa pagkakadena ng mga sasakyang iligal na nakaparada sa iba’t ibang bahagi ng Lungsod ng Cauayan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ian Cabugao, isang security guard, positibo ang kanyang pananaw sa inisyatibo ng POSD sapagkat nakatutulong umano ito sa pag-aayos ng kalsada at mas nagpapaluwang sa mga daan, na nagreresulta sa mas maayos na daloy ng trapiko sa lungsod.
Samantala, sa pakikipagpanayam naman ng Bombo Radyo Cauayan sa isang tricycle driver na si Lorence Logan, sinabi nito na mas mainam umano kung kakausapin muna ng mga awtoridad ang may-ari ng sasakyan bago ito kadenahan, upang mabigyan ng pagkakataong mailipat ang kanilang sasakyan at maiwasan ang abala.
Mayroon din namang ilang residente ang nagpahayag ng pagtutol sa paraan ng pagpapatupad ng pagkakadena. Ayon sa kanila, mas makabubuti kung may nakatalagang personnel na magbabantay sa mga sasakyang kinadenahan at hintayin ang pagdating ng may-ari upang agad na maayos ang sitwasyon.
Dagdag pa ng ilang residente, mas nararapat umanong tutukan muna ng POSD ang pagpapatupad ng anti-wrong parking sa mga national highway bago ito ipatupad sa mga provincial at barangay roads, upang mas epektibong matugunan ang matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko.
Sa kabila ng magkakaibang pananaw, patuloy naman ang panawagan ng POSD sa publiko na sumunod sa mga patakaran sa trapiko upang mapanatili ang kaayusan, kaligtasan, at maayos na daloy ng sasakyan sa Lungsod ng Cauayan.










