Ibinahagi ng dating child star na si Serena Dalrymple na siya ay muling naging ina matapos ipanganak ang kanyang ikalawang anak.
Nag-post si Serena ng larawan kasama ang kanyang dalawang anak sa Instagram. “2 under 2,” ang kanyang caption, na tumutukoy sa pagkakaroon ng dalawang anak na parehong wala pang dalawang taong gulang.
Agad namang bumuhos ang mga reaksyon mula sa kanyang mga tagahanga.
Noong Setyembre 2025, inanunsyo ni Serena na siya ay nagdadalang-tao sa kanilang ikalawang anak kasama ang kanyang French-American na asawa na si Thomas Bredillet.
Nauna nang ipinanganak ni Serena ang kanilang panganay noong Abril 2024, matapos ibahagi ang balita ng kanyang unang pagbubuntis noong Nobyembre 2023.
Nagpakasal sina Serena at Thomas noong 2022 sa Lake Winnipesaukee, New Hampshire, matapos ang apat na taong relasyon.
Si Serena ay nakilala noong dekada ’90 matapos ang kanyang sikat na fast-food chain commercial at lumabas sa iba’t ibang pelikula at teleserye. Ang kanyang huling pelikula ay noong 2010 bilang anak ni Ai-Ai delas Alas sa sequel ng Tanging Ina. Pagkatapos nito, lumipat siya sa abroad para mag-aral ng graduate studies sa UK at kalaunan ay nanirahan sa United States.





