Sugatan ang isang Ginang matapos mabangga ng isang Kolong-kolong habang tumatawid sa kalsada sa Barangay San Isidro, Cauayan City, Isabela.
Ang biktima ay itinago sa alias “Evolie,” 55-anyos, vendor at residente ng nabanggit na lugar.
Batay sa ulat ng Pulisya, galing umano ang biktima sa kabahayan sa kanilang lugar at tinatawid nito ang kalsada nang aksidenteng mabangga ng kolong-kolong na minamaneho ni alias “Pedro” na pauwi na sana sa kanilang bahay.
Napansin naman umano ng Kolong-kolong ang pedestrian at sinubukan pang umiwas subalit nahagip pa rin nito ang biktima.
Nagtamo ng iba’t ibang injury sa katawan ang biktima na agad isinugod sa hospital upang mabigyan ng agarang lunas sa tulong ng mga rumespondeng personnel ng Rescue 922.
Inaresto ng mga awtoridad ang driver ng kolong-kolong at nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Serious Physical Injuries.
Nag-negatibo naman ito sa nakalalasing na inumin.
Nagpapatuloy pa rin sa ngayon ang pagsisiyasat ng Pulisya hinggil sa insidente.











