--Ads--

Kinatay ng mga kawatan ang baka ng isang magsasaka sa Barangay Canogan Sur, Santo Tomas, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCpt. Romel Aggabao, hepe ng Sto. Tomas Police Station, kinilala ang biktimang may-ari ng baka na si Leslie Quilang, residente ng nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, natagpuan na lamang ng magsasaka ang ipinastol niyang baka na kinatay na at nawawala ang ilang bahagi ng katawan nito dakong alas-9 ng umaga.

Batay sa salaysay ng may-ari, ipinastol niya ang baka bandang alas-5 ng hapon nitong Enero 30, 2026, at doon na rin ito kinatay sa lugar ng pinagpastulan.

--Ads--

Sa imbestigasyon, posibleng madaling-araw kinatay ang baka.

Sa kasalukuyan, tinutunton na ng pulisya ang dinaanan ng mga suspek na hinihinalang gumamit ng motorsiklo o kolong-kolong sa pagdadala ng mga ninakaw na karne.

Ayon kay PCpt. Aggabao, tanging motorsiklo o kolong-kolong lamang ang maaaring makapasok sa lugar at hindi maaaring daanan ng mas malalaking sasakyan.

Hindi na rin ito ang unang pagkakataon na may naitalang kahalintulad na insidente sa nasabing bayan, subalit wala pang natutukoy na person of interest sa mga naunang kaso.

Hinikayat ni Aggabao ang publiko, lalo na ang mga nakasaksi, na makipagtulungan sa pulisya. May inilaang ₱300,000 na pabuya ang alkalde ng Santo Tomas, Isabela para sa impormasyong magtuturo sa pagkakakilanlan ng mga suspek.

Tiniyak ng pulisya na gagawin nila ang lahat upang matukoy at mapanagot ang mga responsable at tuluyang matigil ang ganitong uri ng krimen.