Inanunsyo ng Israel na muling bubuksan ngayong weekend ang pedestrian border crossing sa pagitan ng Gaza Strip at Egypt, sa parehong direksyon, bilang bahagi ng ceasefire plan ni U.S. President Donald Trump.
Ayon sa Israeli military body na COGAT, limitado lamang ang paggalaw sa crossing simula sa Linggo, na may screening ng Israel at Egypt, at babantayan ng European Union border patrol. Unang papayagang dumaan ang mga medical evacuees at mga Palestinong umalis sa digmaan, tig-50 bawat direksyon.
Ang Rafah crossing ay sarado mula Mayo 2024 para pigilan ang smuggling ng armas ng Hamas, at pansamantalang binuksan lamang para sa medical evacuation noong 2025.
Libu-libong Palestino sa Gaza ang naghahangad makalabas para sa paggamot at marami ring nais makabalik. Mahigit 20,000 ang may agarang pangangailangan ng medikal na atensyon sa labas ng Gaza.
Ang pagbubukas ng Rafah ay bahagi ng ikalawang yugto ng U.S.-brokered ceasefire, na kasama ang mga hakbang sa demilitarisasyon ng Gaza at pagtatatag ng alternatibong pamahalaan para sa rehabilitasyon ng nasirang teritoryo.











