--Ads--

Ibinasura ng House Committee on Justice ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. matapos itong ideklarang “insufficient in substance.”

Sa unang reklamo na inihain ni Atty. Andre de Jesus, bumoto ang komite ng 42 pabor, 1 tutol, at 1 abstain para sa dismissal. Ang reklamo ay nag-akusa sa Pangulo ng betrayal of public trust at culpable violation of the Constitution kaugnay ng umano’y pag-utos sa pagkidnap at pagsuko ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC), paggamit ng droga, at hindi pag-veto sa mga unconstitutional na probisyon ng pambansang badyet mula 2023 hanggang 2026.

Samantala, ang ikalawang reklamo na inihain ng Makabayan bloc ay tumalakay sa umano’y anomalya sa flood control projects gamit ang tinaguriang Baselined-Balanced-Managed (BBM) Parametric Formula. Ayon sa mga mambabatas mula sa Makabayan, ang formula ay nagbigay-daan sa mga “ghost,” substandard, at overpriced na proyekto. Gayunman, natalo ang mosyon na ideklarang “sufficient in substance” ang reklamo sa botong 7 pabor at 39 tutol.

Giit ni Kabataan party-list Rep. Renee Co, ang BBM formula ay direktang kaugnay sa Pangulo dahil ito ay ipinangalan sa kanyang initials at ipinatupad sa ilalim ng kanyang pamumuno. Dagdag pa ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, ang naturang polisiya ay nag-legitimize ng political patronage at korapsyon dahil isinasaalang-alang nito ang “priorities ng mga nasa kapangyarihan” sa halip na pangangailangan ng mamamayan.

--Ads--

Ipinaliwanag naman ni House Justice Committee Chairperson at Batangas Rep. Gerville Luistro na ang impeachment ay dapat nakabatay sa malinaw, tiyak, at may batayang ebidensya ng grave breach of public trust. Aniya, hindi maaaring maging batayan ng impeachment ang simpleng alegasyon o kritisismo sa polisiya ng pamahalaan.

Sa huli, parehong itinuring na insufficient in substance ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos Jr.