--Ads--

ISang mapanganib at makasaysayang aviation feat ang matagumpay na naisakatuparan ng Italian pilot na si Dario Costa matapos siyang maging kauna-unahang tao na nagpalapag ng eroplano sa ibabaw ng isang umaandar na tren.

Gamit ang kanyang Zivko Edge 540 aircraft, perpektong nai-landing ni Costa ang sasakyan sa maliit na runway sa pinakahuling bagon ng tren bago muling lumipad sa himpapawid.

Ayon kay Costa, ito na ang pinakamahirap at pinakama­panganib na proyekto sa kanyang buong karera. Habang isinasagawa ang stunt, tumatakbo ang tren sa bilis na 120 kilometers per hour (75 mph).

Dahil sa anggulo ng pagbaba ng eroplano at bilis ng tren, naging isang “blind landing” ang senaryo kung saan literal na hindi nakikita ng piloto ang kanyang lalapagan. Umasa lamang si Costa sa kanyang cognitive skills, instinct, at matinding focus upang maitama ang alignment ng eroplano.

--Ads--

Bukod sa hindi makita ang landing spot, kinailangan ding labanan ni Costa ang matinding turbulence at pabago-bagong ihip ng hangin na dulot ng umaandar na tren.

Taon 2024 pa nang mag-ensayo si Costa para dito. Dahil imposibleng mag-ensayo sa mismong umaandar na tren, gumamit sila ng advanced simulation technologies at controlled ground-based rehearsals. Sa huli, naging matagumpay ang touchdown na agad sinundan ng isang kahanga-hangang vertical pull take-off.