Dumating na sa Pilipinas ang labi ng Pinay na Overseas Filipino Worker (OFW) na si Mary Ann De Vera na nasawi sa missile attack sa Tel Aviv, Israel.
Siya ay naiuwi sa bansa nitong Sabado, Marso 14, kasama ang kanyang asawa na si Bernie Lavarias, na kamakailan ay personal na kinita ni Israeli President Isaac Herzog para ipaabot ang pakikiramay sa kanilang pamilya.
Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), buong dasal, pakikiramay at suporta naman ang ipinahatid ng mga opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ilang miyembro ng Kongreso at kinatawan ng Senado na sumalubong sa labi ng OFW.
Ito’y bilang pagkilala sa kanyang katapangan at sakripisyo habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.
Patuloy naman na nakatutok ang DMW at OWWA sa pagbibigay ng kinakailangang tulong at suporta sa pamilya ng nasawing OFW sa gitna ng kanilang pagdadalamhati.











