Nanawagan si Senator Joel Villanueva, Chairman ng Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na maglatag ng mga hakbang upang tugunan ang pagbagsak ng piso kontra dolyar.
Kahapon, sumadsad sa ₱60.1 ang palitan ng piso kada US dollar habang nagpapatuloy ang tensyon at giyera sa Middle East.
Ayon kay Villanueva, kinakailangang magpatupad ang BSP ng mga hakbang upang mapanatili sa manageable level ang exchange rate ng piso laban sa dolyar.
Sa puntong ito, sinabi niyang maaaring makinabang ang mga pamilya ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) dahil mas mataas ang palitan ng dolyar. Gayunpaman, may pangamba sa epekto nito sa pagtaas ng halaga ng mga utang ng bansa na nakabase sa dolyar.
Dagdag pa rito, posibleng maramdaman ng publiko ang epekto nito sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin, kaya’t maaaring mabawi rin ang benepisyo ng mas mataas na palitan na natatanggap ng mga pamilya ng OFW.
Sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa Middle East, umaasa ang senador na mananatiling matatag ang piso at makakarekober din ito sa mga susunod na panahon.







