Nagbabalak ang isang grupo na magtatag ng tinatawag na “people’s court” na binubuo ng mga dating mahistrado, miyembro ng simbahan, at mga personalidad mula sa akademya sakaling umabot sa Senado ang impeachment case laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Ayon kay Jaime Regalario, chairman ng Kilusang Makabansang Ekonomiya, magsasagawa sila ng parallel na paglilitis kasabay ng Senado upang ipresenta at suriin ang mga ebidensiya mula sa pananaw ng publiko.
Plano ng grupo na humingi ng kopya ng mga ebidensiyang ilalabas sa Senado at ipakita ito sa publiko. Dagdag pa ni Regalario, iimbitahan din nila ang mga retiradong mahistrado, kabilang ang isang dating Chief Justice, upang lumahok sa naturang tribunal.
Samantala, sinabi ng human rights lawyer na si Dino de Leon, kabilang sa legal team ng mga complainant, na may ilalabas pang karagdagang ebidensiya sa mga susunod na araw. Ayon sa kanya, maaaring gamitin ang mga financial records at ulat mula sa Anti-Money Laundering Council upang patunayan ang mga alegasyon.
Nitong linggo, natukoy ng House committee on justice na may sapat na basehan upang ituloy ang pagdinig sa ikatlo at ikaapat na impeachment complaints laban sa Bise Presidente, na nakatakdang magsimula sa Marso 25.









