--Ads--

Inamin ng state witness na si Sally Santos sa Sandiganbayan nitong Miyerkules, Abril 8, na umabot sa P1.72 bilyon ang kabuuang halagang idineliber niya kay dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez bilang bahagi ng umano’y maanomalyang infrastructure projects sa lalawigan.

Sa kanyang testimonya sa harap ng Sandiganbayan Third Division, idinetalye ni Santos, may-ari ng SYMS Construction Trading, na ang naturang halaga ay nagmula sa 42 proyekto ng gobyerno sa Bulacan na nagkakahalaga ng P1.8 bilyon noong 2024 hanggang 2025.

Ayon kay Santos, bagama’t SYMS Construction ang nanalo sa mga bidding, ipinahiram lamang niya ang lisensya ng kanyang kumpanya sa ibang mga contractor na siya namang aktuwal na gumawa ng mga proyekto.

Bilang kapalit, tumanggap si Santos ng tatlong porsyentong “royalty fee,” habang ang natitirang P1.72 bilyon ay idineliber umano niya kay Hernandez. Ibinahagi rin ng saksi na hindi isang bagsakan ang pagbibigay ng pera kundi ginawa ito “in batches.”

--Ads--

Gayunpaman, inamin niya na ang pinakamalaking halagang naibigay niya sa isang pagkakataon ay mahigit P400 milyon.

 Inabot umano ng limang oras ang pag-withdraw ng naturang halaga mula sa isang sangay ng Landbank matapos niyang tawagan nang maaga ang bangko upang magbigay ng abiso sa malaking withdrawal. Isinagawa ang pagdinig bilang bahagi ng petition for bail nina Hernandez, dating Senador Bong Revilla, at iba pang mga akusado kaugnay ng kasong malversation.

Ang kaso ay nag-ugat sa umano’y P92.8 milyong “ghost” flood control project sa Pandi, Bulacan, kung saan pinalabas na tapos na ang proyekto kahit wala umanong estrukturang naitayo sa site.

 Patuloy ang pagdinig ng anti-graft court sa kaso habang nasa ilalim ng Witness Protection Program (WPP) si Santos.