Naglabas ng bagong music video ang American singer-songwriter na si Sabrina Carpenter para sa kanyang kantang “House Tour,” na nag-aalok sa mga tagahanga ng isang magulo ngunit kapana-panabik na visual expirience.
Tampok sa video ang isang matapang na trio na nagsasagawa ng isang heist, kung saan makikita ang sunod-sunod na eksena ng kaguluhan at labis na kasiyahan. Mula sa mga high-energy na tagpo hanggang sa pagpapakita ng kanilang rebelde at matinding samahan, naipapakita sa music video ang thrill ng pamumuhay sa gilid ng panganib at ang halos cinematic na pakiramdam ng kalayaan.
Sa kanyang social media, nagpahayag ng pasasalamat si Carpenter sa buong team na nasa likod ng proyekto, at kinilala ang sama-samang pagsisikap upang maisakatuparan ang konsepto.
Sa isang Instagram post, ibinahagi niya ang kanyang mensahe ng pasasalamat sa mga katuwang sa produksyon, kabilang ang direktor na si Margaret Qualley at aktres na si Madelyn Cline na lumahok sa proyekto.
Ibinahagi rin ng singer ang hirap at dedikasyong ibinuhos sa paggawa ng video, na kinunan sa Hollywood Hills hanggang hatinggabi gamit ang Vista Vision format.
Ang “House Tour” ay bahagi ng kanyang 2025 album na Man’s Best Friend, na may kabuuang 12 kanta kabilang ang “Tears” at “Manchild.”
Samantala, nakatakda ring maging headliner si Carpenter sa unang linggo ng Coachella ngayong Abril 10 (Abril 11 sa oras ng Pilipinas), kung saan magtatanghal siya sa pangunahing entablado. Matatandaang unang sumabak si Carpenter sa naturang festival noong 2024.






