Tinawag ni Vice President Sara Duterte na “gawa-gawa” ang impeachment case na isinampa laban sa kanya ng Kamara de Representantes, kasabay ng pasasalamat sa patuloy na suporta ng publiko.
“Nagpapasalamat ako dahil noong ako ay nag-announce na tatakbo akong Pangulo, marami… ang nandiyan pa rin na solid na naniniwala at nagtitiwala,” ani VP Sara.
Nagpasalamat din ang Bise Presidente sa mga tagasuporta na tumututol sa impeachment proceedings sa pamamagitan ng mga rally at demonstrasyon.
“Yung kanilang suporta sa akin ngayon na humaharap sa impeachment na gawa-gawa ng House of Representatives,” dagdag pa niya.
Ibinahagi rin ni Duterte na napag-usapan nila ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte ang kasalukuyang isyu na kanyang kinakaharap. Ayon sa kanya, kapwa sila naniniwala na ang mga nangyayari sa buhay ay bahagi ng plano ng Diyos, kabilang na ang posibilidad ng impeachment.
Sa kasalukuyan, nasa The Hague si VP Sara upang bisitahin ang kanyang ama, na nakakulong at nahaharap sa mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC).
Tinalakay rin ng Bise Presidente ang umiinit na klima ng pulitika sa bansa bago ang 2028 presidential elections. Aniya, likas umanong “madumi” ang pulitika sa Pilipinas at may mga grupong gumagamit ng paninira upang mapabuti ang kanilang imahe.
Naniniwala rin siya na lumalakas ang mga pag-atake laban sa kanya matapos niyang ihayag ang planong pagtakbo sa 2028 presidential race.
Hinimok din niya ang publiko na maging mapanuri sa mga impormasyong nakikita sa social media, dahil maaari umano itong manipulahin.
Binigyang-diin pa niya ang umano’y pag-iral ng “troll farms” at mga negosyong nagpapakalat ng impormasyon—totoo man o hindi—upang maimpluwensyahan ang opinyon ng publiko.
“Yung mga troll farms na meron talagang negosyo na gano’n at meron din talagang negosyo na nagpapalabas ng mga information, whether true or not, pero yun ‘yung business ng kumpanya ang magpalabas ng mga information,” babala ng Bise Presidente.









