Naantala nang mahigit isang oras ang lipad ng isang eroplano ng Southwest Airlines patungong San Diego matapos magdulot ng kalituhan ang presensiya ng isang hindi pangkaraniwang pasahero, isang 4-foot robot na nagngangalang “Bebop.”
Kasama ng robot ang handler nitong si Eily Ben-Abraham mula sa Elite Event Robotics. Ayon sa ulat, binilhan pa umano ng sariling ticket ang robot upang makasakay sa flight.
Gayunman, hinarang ng cabin crew si Bebop dahil nakaupo ito sa aisle seat, na umano’y paglabag sa polisiya ng airline hinggil sa paglalagay ng malalaking kagamitan o bagahe sa naturang upuan.
Kalaunan ay inilipat ang robot sa window seat, ngunit lumitaw pa ang isa pang problema matapos matuklasang lampas sa itinakdang limitasyon para sa flight safety ang lithium battery nito.
Dahil dito, kinumpiska at inalis muna ang baterya bago tuluyang pinayagang makaalis ang eroplano.
Sa kabila ng aberya, nakarating din si Bebop sa kanyang event sa Chicago matapos padalhan ng bagong baterya sa pamamagitan ng overnight shipping.





