Ikinagulat ng mga residente sa ilang bahagi ng Echague, Isabela ang pag-ulan ng yelo o hailstorm kasabay ng malakas na pag-ulan sa lugar.
Ayon sa mga residente, ilang minuto umanong bumagsak ang maliliit na tipak ng yelo na humalo sa ulan, na hindi pangkaraniwang nararanasan sa nasabing lugar kaya nagdulot ito ng pagtataka at pangamba sa ilan.
Sa paliwanag ni Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng DOST PAGASA Echague, nabubuo ang hail o pag-ulan ng yelo kapag ang malalakas na thunderstorm clouds, partikular ang cumulonimbus clouds, ay may napakalamig na temperatura sa mataas na bahagi ng atmosphere.
Sa ganitong sitwasyon, ang mga patak ng ulan ay naiaakyat ng malalakas na hangin sa loob ng ulap patungo sa napakalamig na bahagi nito, kung saan ito nagyeyelo at unti-unting lumalaki habang nadaragdagan ng mga patong ng yelo.
Kapag naging mabigat na ang mga tipak ng yelo at hindi na kayang iangat ng hangin, bumabagsak ito sa lupa kasabay ng ulan bilang hail o pag-ulan ng yelo.
Bagama’t hindi pangkaraniwan sa mabababang lugar tulad ng Echague, maaari itong mangyari kapag may matinding thunderstorm, biglaang pagbabago ng temperatura, at malalakas na updraft o pataas na hangin sa loob ng ulap.
Ayon sa mga eksperto, ang naturang weather phenomenon ay indikasyon ng malakas na thunderstorm activity, kaya pinapayuhan ang publiko na maging alerto sa posibleng kasunod na malakas na ulan, pagkulog, at pagkidlat.











