Nanawagan ang Philippine National Police nitong Linggo kay Senator Ronald ‘Bato’ Dela Rosa na igalang ang kanyang dating tungkulin bilang hepe ng pambansang pulisya at tiyaking magiging mapayapa ang operasyon ng mga awtoridad sa paghahanap at pag-aresto sa kanya.
Sa isang pahayag, sinabi ni Police General Jose Melencio Nartatez Jr. na nagtalaga na ang PNP ng tracker teams upang matunton at maaresto ang senador, na nahaharap sa arrest warrant mula sa International Criminal Court.
Ayon kay Nartatez, isinasagawa ang operasyon alinsunod sa umiiral na operational protocols at human rights standards. Inatasan din niya ang regional at local police units na pairalin ang maximum restraint at iwasan ang anumang hindi kinakailangang paglala ng sitwasyon sakaling makaharap si Dela Rosa.
Nakikipag-ugnayan na rin ang PNP tracker teams sa Department of Justice at National Bureau of Investigation upang mahanap at maihain ang arrest warrant laban sa senador.
Noong Biyernes, sinabi ng PNP na nasa bansa pa rin si Dela Rosa matapos muli itong mawala sa publiko kasunod ng kanyang pagdalo sa Senado upang bumoto sa pagbabago ng liderato ng kapulungan.
Sa nakalipas na anim na buwan, hindi rin ito dumalo sa Senado matapos malaman na may arrest warrant na inilabas laban sa kanya. Kasalukuyan din siyang sakop ng Immigration Lookout Bulletin Order.
Ayon sa ICC, si Dela Rosa ay nahaharap sa kasong crimes against humanity, partikular sa umano’y “indirect co-perpetrator” sa mga pagpaslang mula Hulyo 3, 2016 hanggang katapusan ng Abril 2018, kung saan hindi bababa sa 32 katao ang nasawi.
Sa website ng ICC, kabilang si Dela Rosa sa listahan ng mga akusado at tinukoy bilang “at large” o hindi pa natutunton ng mga awtoridad.
Nanatiling hindi malinaw ang kinaroroonan ng senador matapos siyang huling makitang umalis sa Senado noong madaling araw ng Mayo 14.











