Hinikayat ng Isabela School of Arts and Trades (ISAT) ng TESDA ang publiko, partikular ang mga nais magkaroon ng karagdagang pangkabuhayan, na makilahok sa isasagawang seminar and workshop ukol sa pagproseso ng prutas na mangga sa Lungsod ng Ilagan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginang Leona Cayapan, ang focal person ng Regional TVET Innovation Center ng TESDA-ISAT, sinabi niya na napapansin muli ang malaking pagdami ng suplay ng mangga sa merkado ngayon.
Upang maiwasan ang oversupply, pagkabulok, at tuluyang pagtatapon ng mga ani ng mga mango growers, binigyang-diin niya na napakahalagang matutunan ng mga mamamayan ang tamang mango processing.
Sa pamamagitan nito, ang mga sariwang mangga na madaling masira ay maaaring gawing mas kapaki-pakinabang at pangmatagalang produkto tulad ng mango puree, dried mangoes, mango jam, juice, pickles, ketchup, wine, vinegar, syrup, at iba pang produktong pwedeng pagkakitaan.
Sa pakikipagtulungan ng City of Ilagan Mango Growers and Processors Association, pormal na isasagawa ang dalawang araw na pagsasanay sa mismong pasilidad ng TESDA Isabela School of Arts and Trades sa Calamagui 2nd, City of Ilagan, Isabela. Gaganapin ito mula June 5 hanggang June 6, 2026, sa oras na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Ayon pa kay Ginang Cayapan, bukas ang pagsasanay na ito para sa mga cooperatives, associations, aspiring entrepreneurs, at lahat ng mga interesado kung saan maluwag na tatanggapin ang mga walk-in participants.
Matatandaan na unang isinagawa ang kahalintulad na pagsasanay noong nakaraang taon, kung saan marami ang lumahok na sa kasalukuyan ay pinakikinabangan na ang kanilang mga natutunan sa pagpoproseso ng mangga.
Inabisuhan naman ni Ginang Cayapan ang pagdadala ng sariling apron at hairnet para sa kalinisan at sanitasyon sa loob ng processing area. Kung mayroon ding sariling tanim, hinikayat ang mga participants na magdala ng mangga na galing mismo sa kanilang farm upang ito ang direktang magamit sa pagsasanay.





