Dapat pag-aralang mabuti kung “commensurate” o makatwiran ang parusang expulsion laban kay dating Rep. Kiko Barzaga.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Law Professor Atty. Randy Arreola, binigyang-diin niya na dahil tinatapos ng expulsion ang termino ng isang hinalal na opisyal, nararapat lamang na tapatan nito nang sapat ang bigat ng napatunayang “disorderly behavior” upang maiwasang mapagkamalang isyung politikal, personal na paghihiganti, o abuso sa kapangyarihan ng mayorya.
Ipinaalala ni Arreola na garantiya ng Saligang Batas ang redress of grievances at protektado ang mga mambabatas ng parliamentary immunity upang malayang magbunyag ng anomalya nang walang takot sa ganti.
Nagbabala siya na kung pagpuna lamang ang naging mitsa ng pagpapatalsik, mag-iiwan ito ng mapanganib na precedent kung saan ang mga constitutional rights ay ituturing na krimen kapag hindi nagustuhan ng mga nasa kapangyarihan; ang tamang hakbang sa hindi tanggap na pahayag ay malayang debate sa session hall.
Hindi aniya makatwirang gamitin ang numerical superiority para magtanggal ng kritiko sa Kongreso, na isang demokratikong institusyon para sa banggaan ng ideya.
Ang marahas na hakbang na ito ay hindi lang parusa kay Barzaga kundi pagbawi rin sa boses ng mga mamamayang naghalal sa kanya.
Dahil dito, sinabi ni Atty. Arreola na hindi maiiwasang isipin ng publiko na may sistematikong pagpapatahimik sa oposisyon, lalo’t napapansin ang sunod-sunod na pagsasampa ng kaso laban sa mga kritiko ng administrasyon.







