--Ads--

Nagsampa ng kasong sibil ang Department of Energy (DOE) laban kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste at sa renewable energy company na Solar Philippines Commercial Rooftop Projects, Inc. (SPCRPI) kaugnay ng umano’y hindi natupad na 120-megawatt solar power project sa Mindanao.

Sa 55-pahinang reklamo na inihain sa Regional Trial Court ng Taguig City, humihingi ang DOE ng danyos laban kay Leviste at sa SPCRPI, na dati niyang pagmamay-ari.

Nag-ugat ang kaso sa General Santos Solar Power Project, na nabigyan ng kontrata sa ilalim ng Green Energy Auction Program (GEAP) ng pamahalaan upang magsuplay ng kuryente sa Mindanao grid.

Ayon sa DOE, nabigo umano ang proyekto na maihatid ang itinakdang kapasidad sa loob ng napagkasunduang panahon, na maaaring makaapekto sa layunin ng gobyerno na palawakin ang suplay ng renewable energy at tiyakin ang pagiging maaasahan ng power grid.

--Ads--

Iginiit din ng ahensiya na nananatili umanong may kontrol si Leviste sa mga kumpanyang sangkot sa proyekto. Binanggit ng DOE ang umano’y ganap na pagmamay-ari nito sa SPCRPI at ang direktang impluwensiya sa iba pang kaugnay na kumpanya na umano’y kumikilos bilang iisang grupo sa paggawa ng mahahalagang desisyon.

Sentro ng reklamo ang P1.185-bilyong performance bond na nagsisilbing garantiya sa pagkumpleto ng proyekto. Ayon sa DOE, nag-expire umano ang naturang bond nang hindi napapalitan sa kabila ng paulit-ulit na kahilingan mula sa pamahalaan.

Bukod sa hindi pa tinukoy na halaga ng danyos, hiniling din ng DOE sa korte na magpalabas ng writ of preliminary attachment upang mapangalagaan ang mga asset ng mga nasasakdal habang dinidinig ang kaso.

Ang GEAP ay pangunahing programa ng pamahalaan na naglalayong hikayatin ang pamumuhunan ng pribadong sektor sa renewable energy at mabawasan ang pagdepende ng bansa sa mga coal-fired power plant.

Binigyang-diin ng DOE na mahalagang matupad ng mga nanalong bidder ang kanilang mga obligasyon upang mapanatili ang matatag at sapat na suplay ng kuryente sa bansa.

Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na opisyal na pahayag si Leviste kaugnay ng isinampang kaso.