--Ads--

Hindi bababa sa 11 katao ang nasawi matapos magkasagupa ang mga pulis at mga tagasuporta ng ipinagbabawal na grupo sa Pakistan-administered Kashmir nitong Linggo, ayon sa mga opisyal.

Dose-dosenang iba pa, kabilang ang mga pulis at sibilyan, ang sugatan sa kaguluhan na sumiklab matapos magpasya ang Korte Suprema ng rehiyon na ang 12 puwesto sa lehislatura para sa mga refugee mula Kashmir na naninirahan sa Pakistan ay protektado ng konstitusyon at hindi maaaring alisin nang walang amyenda.

Ang desisyon ay inilabas bago ang nakatakdang protesta ngayong Martes ng Joint Awami Action Committee (JAAC), isang grupong matagal nang nananawagan ng mas malawak na karapatang politikal at pag-alis ng mga puwesto para sa mga refugee. Sa mga nakaraang taon, ilang malalaking kilos-protesta ng JAAC ang nauwi sa karahasan.

Ayon kay Sardar Waheed Khan, komisyoner ng Poonch sector, “Apat na pulis at isang sibilyan ang napatay matapos pagbabarilin ng mga miscreant. Bilang tugon ng mga awtoridad, anim na nagpoprotesta ang nasawi.” Dagdag pa ni Police Chief Liaqat Malik, 23 na tauhan ng seguridad at 50 nagpoprotesta ang sugatan, habang 30 katao ang naaresto.

--Ads--

Sa lungsod ng Rawalakot, binaril ng mga armadong tagasuporta ng JAAC ang mga puwersa ng seguridad at kalaunan ay pinaligiran ang Combined Military Hospital, na nagdulot ng pagkaantala sa serbisyong medikal. Ayon sa pulisya, nagsunog at nanira rin ng ari-arian ang mga nagpoprotesta.

Sa isang video message sa X, sinabi ni Shaukat Nawaz Mir, lider ng JAAC: “The state has begun a massacre of our people in Rawalakot.” Nangako siyang magpapatuloy ang grupo sa nakatakdang rally sa Hunyo 9.

Noong Biyernes, idineklara ng pamahalaan ng rehiyon na isang “proscribed group” ang JAAC sa ilalim ng anti-terror law, at pinayuhan ang mga turista na lumikas bago ang Hunyo 9. Sa mga nakaraang taon, ang kanilang mga demonstrasyon laban sa pagtaas ng presyo ng harina at kuryente ay nauwi rin sa madugong sagupaan.

Ayon kay Khan, ang aksyon ng estado ay hindi masaker kundi hakbang upang ibalik ang kaayusan. Giit niya, gumamit ng mga awtomatikong baril, petrol bomb, at iba pang sandata ang mga aktibista laban sa mga awtoridad.