Nakatakdang iharap ng House prosecution panel ang mga bagong ebidensya kaugnay ng umano’y mga ari-ariang hindi naideklara ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang asawa sa kanilang Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) mula 2007 hanggang 2024.
Ito ang inihayag ni Rep. Terry Ridon ng Bicol Saro Party-list, miyembro ng prosecution team, sa paglulunsad ng Bantay Impeachment sa Claret School sa UP Village, Quezon City nitong Sabado.
Ayon kay Ridon, isasama ang mga naturang ebidensya sa pretrial brief na ihahain sa Senate impeachment court. Nakapaloob sa dokumentong ito ang mga ebidensya, testigo, at mga pangunahing isyung tatalakayin sa paglilitis.
Sinabi ni Ridon na may mga pag-aari umano ang bise presidente at ang kanyang asawa na nakatala sa mga rekord ng isang ahensya ng gobyerno ngunit hindi umano lumitaw sa alinman sa kanilang mga isinumiteng SALN sa loob ng halos dalawang dekada.
Dagdag pa niya, hindi nailahad ang naturang ebidensya sa mga naunang pagdinig ng House Justice Committee at ngayon lamang ito ilalatag bilang bahagi ng mga dokumentong ihaharap sa impeachment proceedings.
Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang kampo ni Vice President Duterte hinggil sa naturang alegasyon.
Matatandaan na Noong Pebrero 2025, inaprubahan ng Kamara de Representantes ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte matapos makakuha ng sapat na bilang ng lagda mula sa mga mambabatas. Kabilang sa mga alegasyong isinampa laban sa kanya ang umano’y paglabag sa Konstitusyon, betrayal of public trust, graft and corruption, at mga kwestiyon kaugnay sa paggamit ng confidential at intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education noong siya pa ang kalihim nito.
Bilang bahagi ng proseso ng impeachment, nakatakdang dinggin ng Senado bilang impeachment court ang mga ebidensya at testimonya ng magkabilang panig. Ang paghahain ng pretrial brief ng prosecution panel ay mahalagang hakbang upang maitala ang lahat ng ebidensya, testigo, at mga isyung pagdedebatehan sa paglilitis.
Samantala, ilang ulit nang itinanggi ni Duterte at ng kanyang mga kaalyado ang mga alegasyon laban sa kanya at iginiit na may mga motibong pampulitika ang impeachment case. Inaasahan naman na magbibigay ng tugon ang kampo ng bise presidente sa mga bagong ebidensyang inihayag ng House prosecution panel sa mga susunod na araw.











