Pinag-aaralan nina Sen. Win Gatchalian at Blue Ribbon Committee Chairman Erwin Tulfo ang posibleng pagsasampa ng legal na aksiyon laban kay dating kongresista Mike Defensor matapos ang pag-anunsiyo nito ng umano’y hindi awtorisadong Blue Ribbon Committee hearing.
Ayon kay Gatchalian, ang pagpo-post ni Defensor sa social media tungkol sa imbestigasyon sa umano’y flood control anomaly ay nagdudulot ng kalituhan at maituturing na panlilinlang sa publiko.
Iginiit niya na hindi ito katanggap-tanggap dahil ginagamit umano ang pangalan at imahe ng Senado kahit wala siyang awtoridad o posisyon sa naturang komite.
Dagdag pa niya, nakikipag-ugnayan siya kay Senador Erwin Tulfo upang pag-aralan ang posibleng legal na hakbang dahil sa paggamit umano ng institusyon ng Senado sa maling paraan.
Samantala, ayon kay Tulfo, ang tinatawag na Blue Ribbon hearing na binabanggit ni Defensor ay maaaring ituring na pag-angkin sa kapangyarihan dahil hindi naman ito isang lehitimong pagdinig ng komite at wala silang awtoridad na magsagawa nito.







