--Ads--

Maagang natapos ang kampanya ni Alex Eala sa Bad Homburg Open matapos siyang talunin ni Elise Mertens ng Belgium, 6-3, 6-3, sa unang round ng torneo na ginanap sa Germany nitong Martes ng madaling araw (oras sa Pilipinas).

Ito ay kasunod ng magandang performance ni Eala sa Berlin Open kung saan umabot siya sa semifinal, ngunit sa pagkakataong ito ay hindi na siya nakalusot sa unang yugto ng kompetisyon sa grass court.

Maganda ang naging simula ng Filipina tennis player sa laban matapos niyang makakuha ng 3-1 na kalamangan sa unang set kasunod ng break sa serve ng kanyang kalaban. Gayunman, biglang nagbago ang takbo ng laro nang si Mertens ay makapagtala ng sunod-sunod na walong laro upang makuha ang unang set at agad na makapagtayo ng 3-0 sa ikalawang set.

Sinubukan pang makahabol ni Eala at nagawang mapalapit sa iskor na 1-3, ngunit nanatiling matatag si Mertens upang mapanatili ang kontrol sa laban hanggang sa tuluyang makuha ang panalo.

--Ads--

Sa kabila ng pagkatalo sa singles, magpapatuloy pa rin si Eala sa doubles event kung saan makakasama niya ang beteranang si Venus Williams. Haharapin nila sa Round of 16 ang tambalang Alexandra Osborne at Catherine Harrison.