Pinayagan ng International Criminal Court Trial Chamber III ang kahilingan ng prosekusyon na palawigin ng isang linggo ang deadline para sa pagsusumite ng mga obserbasyon sa expert report tungkol sa kakayahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humarap sa paglilitis.
Sa ikalawang status conference nitong Martes, sinabi ni Prosecutor Julian Nicholls na kailangan nila ng dagdag na panahon dahil sa iba pang mga dokumentong dapat isumite sa parehong takdang petsa.
Ayon sa prosekusyon, hindi naman makaaapekto nang malaki ang isang linggong extension sa takbo ng kaso, kabilang ang nakatakdang pagsisimula ng paglilitis sa Nobyembre 30.
Pinagbigyan ni Presiding Judge Joanna Korner ang kahilingan at inaprubahan ang dagdag na isang linggong palugit.
Matatandaang nahaharap ang dating Pangulo ng Pilipinas sa tatlong bilang ng krimen laban sa sangkatauhan kaugnay ng kampanya kontra ilegal na droga ng kanyang administrasyon.











