Nabigo sina Alex Eala at Venus Williams sa kanilang laban sa quarterfinals ng Bad Homburg Open doubles event matapos silang talunin ng ikalawang seed na sina Olivia Nicholls at Tereza Mihalíková, 6-3, 6-2 nitong Huwebes.
Matapos ang matagumpay na debut bilang magkapareha, nakaharap sina Eala at Williams sa mas mabigat na hamon mula sa tandem nina Nicholls at Mihalíková, na kamakailan lamang ay nagwagi ng titulo sa doubles sa Queen’s Club.
Huling nakalamang sina Eala at Williams sa 3-2 bago sila mabigyan ng dalawang sunod na break at apat na straight games ng kanilang kalaban.
Sinubukan nilang bumawi ngunit dalawang mahalagang puntos ang nawala, dahilan para makuha ng kalaban ang 5-1 abante.
Nakakuha ng break ang duo sa ikapitong game upang pahabain ang laban, ngunit agad ding bumawi sina Nicholls at Mihalíková para tapusin ang laro.









